May 13, 2015

Ano Nang Nanyari sa Ating mga Larong Kanto?


Hindi ako sigurado kung tama ba ang term na "Larong Kanto" na ginamit ko para sa Tumbang Preso, Agawang Base, Shiato, Langit Lupa, Teks, Jolen, Goma at marami pang iba. Ang alam ko lang sa kanto at looban namin madalas laruin ang mga ito nung panahon pa ng aming kamusmusan.

Mga Batang 80s at 90s, kasama na rin siguro ang mga 70s o 60s, heto na siguro ang mga pinakamasayang henerasyon ng mga kabataan sa Pilipinas, dahil tanging kami lang ang nakaranas ng parehong buhay bago at habang nauuso ang mga salitang selfie, status update, hashtag, tweet, jejemon, textmate, chatmate, internet, at marami pang iba, taas noo naming sasabihing nauna pa kami sa mga makabagong salitang ito.

Mga panahong ang tanging alam naming tweet ay galing lamang sa mga ibon ng umaga, na ang apple at blackberry ay mga prutas lamang, na ang camaro at mustang ay mga hayop lamang (sa ilan), ang cloud ay ulap sa tagalog at hindi isang misteryosong imbakan ng mga didyital na nilalaman, na ang mga kaibigan ay harapan naming nakakasalumuha at nakakakwentuhan, mga kaibigang personal kang iniimbitahan maglaro ng mga palarong pambata na sa looban, kalye o kanto lamang ginagawa.

Hindi ko sinasabing hindi maganda ang pamumuhay ng mga bata sa ngayon na panahon ng mga makabagong teknolohiya, mahirap din ang magsaliksik nang walang Wikipedia o Google. Mahirap din ang maghagilap ng mga impormasyong sa silid aklatan lamang matatagpuan. Maganda ang naidudulot ng teknolohiya, napapadali nito ang ating pang-araw araw na pamumuhay.

Hindi rin lingid sa ating kaalaman na may mga hindi mabuting naidudulot ang mga modernong kagamitan hindi lamang sa ating sarili kundi na rin sa ating lipunan at sosyal na pamumuhay, gaya na lamang ng mga cellphone, tablet, computer at higit sa lahat internet.

Balik sa pamagat ng akdang ito, ano na ang nangyari sa ating sa larong pambata?

Maaaring ako lang ngunit kahit saan ako magpunta halos iilan na lamang ang mga nakikita kong kabataan na naglalaro ng ilan sa mga ito. Napaisip tuloy ako, ilang kabataan pa kaya sa ngayon ang alam laruin ang mga nabanggit kong laro sa itaas? Ilan kaya sa kanila ang nakakaalam kung tag-ilan ang bilang ng score kapag dalawang beses tinamaan ang maliit na pamato sa shiato, ano ang mangyayari sa tumira kapag ang latang tinamaan nya sa Tumbamg Preso ay tumayo pagtapos tumilapon, ano ang pinagkaiba ng Luksong Tinik sa Luksong Baka, ano ang tamang lyrics na kinakanta ng taya sa larong Tagu-taguan at marami pang iba.

Hindi ko maitatangi sa aking sarili na kakaunti na lang ang mga batang naglalaro nito at nakakaalam kung paano laruin, at sa tingin ko dahil yun mga smart devices at internet.

Matagal-tagal na rin nang huli akong makabasa ng mga text books ng mga paaralan, at base sa aking mga huling ala-ala iilan lamang ang larong Filipino ang kasama sa kurikulum gaya nang Sipa, Palosebo, Luksong Tinik, Luksong Baka, at ilan pa. Pero wala sa listahan ang mga sumusunod...

Jolen
Goma
Jackstone
Chinese Garter
Teks
Tatsing
Shiato/Shato
Langit-Lupa
Tagu-taguan
Gagamba
Dampa
Sumpak
Kalog-Tansan
Agawang Base
Tumbang Preso

Ilan lamang yan sa mga naaalala ko at mga personal kong nalaro nung aming kabataan.

Dahil sa tingin ko ay marami na ang nakalimot o hindi na namulat sa mga larong ito, natatakot din akong baka tuluyan nang makalimutan ang mga ito at hindi na maipasa sa mga susunod na henerasyon.

Nais ko sanang, maipabilang na ang mgablarong ito sa mga aklat ng mga mag-aaral bilang bahagi ng kanilang kurikulum, dahil naniniwala akong bahagi na ito ng ating kulturang Pilipino. Naniniwala akong dito lamang sa Pinas may mga ganitong klaseng larong kalye, karamihan sa kanila kung hindi man lahat.

Ikaw ano sa tingin mo? Dapat bang ituro na rin sa mga paaralan ang mga larong ito nang sa gayun ay kahit gaano pa kaabala ang mga kabataan sa mga kasalukuyang kagamitan ay magkakaroon pa rin sila ng pagkakataong malaman, mapag-aralan at malaro ang mga larong ito na minsan ding naging bahagi ang pang-araw-araw na pamumuhay bilang mga musmos? Pag-usapan natin sa comment section sa ibaba.

No comments:

Post a Comment